Patrick Patiño
Political Reforms Program
Institute for Popular Democracy
Ang State of Emergency (SOE) at ang katuwang nitong implementing order na General Order No. 5 (GO 5) na dineklara ni Arroyo noong Peb. 24, 2006 ay kasalukuyang pinuputakti ng batikos mula sa iba’t ibang sektor.
Ang artikulong ito ay hindi magtutuon sa implikasyong legal at konstitusyunal ng SOE at ng GO 5. Ang Free Legal Assistance Group (FLAG), Alternative Law Groups (ALG), UP College of Law, Integrated Bar of the Philippines (IBP), at iba pang lawyers’ organizations ay naglabas ng mga materyales at nangunguna sa mga forum para ipaliwanag ang kawalang batayan at ilegalidad ng SOE.
Bagkus, tingnan natin ang implikasyong pulitikal ng SOE laluna ang mga iniluwal nitong mga kontradiksyon sa pagitan ng oportunidad (opportunities) at banta (threats).
Ang SOE at GO5 ay manipestasyon kapwa ng kakayahan at paghina ng administrasyong Arroyo.
Ang kondukto ng rehimeng Arroyo noong Pebrero 24 ay nagpamalas ng maunlad na kasanayan nitong supilin ang kilusang anti-Arroyo at matigas na disposisyong ipagtanggol ang poder. Ang mabilis na re-enforcement at strategic positioning ng crowd-dispersal units sa EDSA: ang pagtaktak ng mga anti-riot pulis ng kanilang riot stick sa shield bilang psywar at ang organisado at marahas na pagbuwag sa hanay ng mga demonstrador ay nagpamalas na na-perpekto ng rehimen ang crowd-dispersal methods nito at pag-contain sa mga demonstrasyon. Nagkamali ang pulisya sa paghuli kay Prof. Randy David at mahigit 80 iba pa (na biglaan ding pinakawalan kinagabihan), ngunit nagtagumpay ang kampanya ng pulisya na huwag magtagpo ang iba’t ibang mobilisasyon at mabuo ang napakalaking rali sa People Power Monument at sa EDSA Shrine. Dahil sa nalikhang takot sa publiko ng SOE ay napigilan ang posibleng paghugos ng mga ispontanyong elemento sa EDSA.
Ipinagmalaki ni Arroyo na nasawata na ang tangkang interbensyong militar ng mga rebeldeng sundalo noong madaling araw ng Biyernes. Sa kabilang banda, sinalamin ng SOE ang paglakas ng interbensyong militar sa loob ng kanyang rehimen. Ang SOE ay binalangkas noong madaling araw ng Biyernes at naipahayag na lamang kinatanghalian. Ano ang nangyari at tumagal ang deklarasyon?
Ayon sa impormasyon, ito ay dahil sa mahabang debate sa loob ng kampo ni GMA. Una, ang pagtatalo kung kontrolado na nga ba nila ang pamunuan at istruktura ng AFP at, ikalawa, kung nararapat bang ideklara ang SOE, o hindi? Nangibabaw sa debateng ito ang mga pwersang “hawk†na binubuo ng mga dating heneral at sagadsaring loyalista ni GMA. At syempre, komplemento na rin ang tendensyang mag-overreact ni GMA.
Sa pagbibigay sa AFP at PNP ng kapangyarihan “to prevent or suppress lawless violence, invasion or rebellion†(GO5), lalo lamang pinalakas ng rehimeng Arroyo ang papel ng militar at pulis sa mga institusyong pulitikal ng gubyerno at lipunan. Pansinin na lamang ang agad-agarang pag-raid ng pulisya sa Daily Tribune at pagwawasiwas ni PNP Director Lomibao ng iba’t ibang klaseng banta sa media at sa publiko. Gayundin, ang walang pagdadalawang-isip na pag-aresto sa ilang indibidwal nang walang warrant of arrest.
Ang deklarasyon ng SOE ay kapwa nakalikha ng takot at galit sa publiko.
‘Ika nga ng maraming legal at constitutional experts, walang umiiral na konkretong sirkumstansyang “clear and present danger†para mag-deklara ng SOE. Dagdag pa nila, kahima’t may SOE, ito ay simpleng deklarasyon lamang na mayroong emergency. Ang SOE ay naging kumplikado dahil sa katuwang nitong GO5. Ang pagkakasulat pa ng SOE at GO5 ay malabo (ambiguous) at napaka-general. Kung gayun, kung malabo ang legal na intensyon ng SOE at GO5, ano talaga ang intensyon ng deklarasyon ng SOE?
Simple lang – ang intensyon ng SOE at GO5 ay lumikha ng multo ng kaguluhan at takot sa publiko. Alam ng rehimeng Arroyo na hindi na nito makukuha pa sa publiko ang kredibilidad at lehitimisasyon ng poder nito sa gubyerno. Ang tanging magagawa nito ay ipataw ito sa publiko. Ang SOE ay pagpapamalas ng rehimeng Arroyo na ito pa rin ang may “control of the situation.†Ipinamalas nitong si GMA pa rin ang Commander-in-Chief na may kontrol sa AFP at PNP. Kung baga, kung di ko kayo makuha sa santong dasalan, tikman niyo ang pananalasa ng aking santong paspasan. Para kay Arroyo, ang pagka-lehitimo ng kanyang poder ay ang kakayahang kontrolin ang sitwasyon, takutin ang publiko at neutralisahin ang oposisyon.
Kaya lang, lahat ng bagay ay mayroong kabilang panig. Nakalikha man ng takot ang SOE sa publiko, ito rin ay nagluwal ng galit at batikos. Ang dating tahimik na malawak na hanay ng mga abogado ay umalagwa sa oportunismo ng rehimen na abusuhin ang mga legal at konstitusyunal na hangganan ng kapangyarihan nito. Nabuo ang ugnayan ng mga taga-media para sa karapatan para sa pamamahayag. Tumalas ang kritisismo ng mga obispo at nag-aalimpuyo ang damdamin ng mga propesyunal at estudyanteng maalam sa usapin ng civil and political rights. Pati ang mga malalaking negosyante ay direktang bumatikos sa SOE. Si Mayor Duterte ay nag-deklarang walang SOE sa Davao City.
Ngunit sa kabuuan, ang SOE ay nagpa-liyab sa poot ng mamamayan sa rehimeng Arroyo. Sa mamamayan, si Arroyo ay walang kredibilidad, hindi lehitimong pangulo at walang respeto. Ang SOE ay salik sa pagtransportma ng disgusto ng mamamayan sa pagka-poot sa rehimen. Para sa mamamayan, hahamakin lahat ng rehimen pati na ang karapatang sibil at pulitikal, manatili lang sa poder. Ang SOE ay tangkang isandal sa pader ang nagpupumiglas na mamamayan – ito ang malaking pagkakamali ng rehimen.
Ang SOE ay isyu kapwa ng “crisis of legitimacy†at “civil and political rights.â€
Ang intensyon ng rehimeng Arroyo sa SOE ay ibaling ang atensyon ng publiko mula sa isyu ng pagpapatalsik sa kanya tungo sa isyu ng karapatang sibil at pulitikal. Gusto nitong matuon ang publiko sa mga isyung legal at constitutional ng SOE. At ito na nga ang isang nangyayari ngayon.
Mahalagang pansinin na ang SOE ay isang matigas na hakbang ng rehimeng Arroyo na makalabas sa kinalulubugan nitong kumunoy mula pa noong nakaraang taon. Ang hamon sa publiko at mga organisadong grupong tumutuligsa sa SOE ay igiit at ipaglaban ang demokratikong ispasyo at ipagtanggol ang karapatang pantao. Ngunit mahalagang kasabay nito ang patuloy na ugain ang kapangyarihan ng rehimeng Arroyo hanggang sa ito ay mahulog mula sa poder.
Ang SOE ay kapwa Estratehiya at Taktika ng Rehimen sa Neutralisasyon.
Ang pangkalahatang estratehiya sa likod ng SOE ay magtakda ng pangkalahatang takot sa publiko. Ang taktika sa likod nito ay ang selektibong neutralisasyon sa mga target na oposisyon ng rehimen. Ang Daily Tribune, na isang maliit na daluyan ng karapatang mamahayag ng oposisyon sa gubyerno, ay ni-raid ng pulisya para maging halimbawa ng banta sa ibang media outfit. Inaresto ang ilan at may bantang hulihin ang ibang personalidad hindi lang para paralisahin ang kanilang papel sa kilusang protesta kundi gamiting banta sa iba pa. Tinatarget na neutralisahin ang ilang organisasyon para i-testing ang kakayahang supilin ang iba pang demokratiko at progresibong organisasyon.
Ang SOE ay posibleng magluwal ng panibagong-hugis ng landas ng Charter Change at ng System Change.
Sa gitna ng maraming batikos, pati na mula sa US State Department, hindi maaaring patagalin pa ang SOE. Pero bago ito iaatras ng rehimeng Arroyo, ay titiyakin nitong makuha ang momentum para muling igiit ang Charter change, na sa esensya, ay pakana ng preserbasyon ng poder, konsolidahin ang mga alyado nito at hatakin ang elite opposition sa pangako ng social reforms. Ito ay kung makukuha pa ng rehimen ang momentum.
Ngunit, mapapagulong man ng rehimen ang Charter change, ang publiko ay walang maaasahang pundamental, substansyal at makabuluhang pagbabagong pampulitika at panlipunan. Ito ay hangga’t nananatili ang angkla ng kabuuang krisis ng bansa – ang rehimeng Arroyo.
Ang laban sa SOE ay hindi lang laban para sa democratic space at civil rights. Sa pangunahin, ito ay laban para sa kabuuang pagbabago ng gubyerno at lipunan. At ang magbubukas ng landas na ito ay ang pagkawala ng rehimeng Arroyo sa poder.
Ang epektibong katapat ng State of Emergency ay ang State of Emancipation.
Ang publiko ay makakawala lamang sa kanilang State of Fear kung magkakaroon ng State of Emancipation. Makakaigpaw lang ang publiko sa kanilang State of Fear kung ang mga abogado ay hindi lang haharap sa Korte Suprema kundi sumama rin sa kilusang kalsada. Kung ang mga civil libertarians sa akademya ay sumabay sa mga estudyante na humugos sa kalye; at kung ang mga madre’t pari ay makipagkapit-bisig sa maralita sa paglabas nila sa mga pabrika at komunidad. At kung ang mga organisadong demokratiko at progresibong pwersa ay hindi lang magpapamalas ng tapang sa kalsada kundi, gisingin ang kumpasyon ng mga nanonood na madla.
Ang hamon sa mga organisadong demokratiko at progresibong pwersa ay kung paano padaluyin ang kabuuang kilusang demokratiko na Critical sa nilalaman at panawagan; Creative sa mga porma at kondukta ng pagkilos at nagpapadaloy ng Compassion na magpapa-alagwa sa nagpupuyos na damdamin ng publiko. Ito ay hindi lang simpleng propaganda kundi epektibong pag-animate sa diwa’t damdamin ng publiko. Madaling sabihin, pero maraming dapat tuklasin kung paano padaluyin ang affinity sa pagitan ng “organisado†at ng “ispontanyo.†Ang kapangyarihan ng rehimen ay madaling pahinain, ang mahirap ay ang palakasin ang kapangyarihan ng mamamayan. (1 Marso 2006)
Uploaded 03 March 2006.
@2003 Institute for Popular Democracy
45 Matimtiman Street, Teachers Village, Quezon City
Metro Manila, Philippines
Telephone (63-2) 434-6674 | Fax (63-2) 921-8049
E-mail: ocd@ipd.org.ph



